SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
IBANG-IBANG Leandro Baldemor ang nakaharap namin last weekend nang madalaw namin ito sa kanyang Obras de Paete gallery sa Paete, Laguna. Hindi mo na mababanaag ang dating Leandro na nagpapa-sexy dahil isa na siyang magaling na sculpture at pintor.
Namamayagpag si Leandro bilang visual artist at talaga namang mapapa-wow! ka sa ganda ng mga likha niya. Pero karamihan ng mga ginawa niya ay hindi niya ibinebenta lalo iyong mga una niyang likha. Katwiran niya, may ‘magic’ at dalang suwerte ang mga iyon. Kaya kung gusto mong makakuha ng gawa niya, pwede ka naman niyang ililok ayon pa sa gusto ng costumer.
Pagbabahagi ni Leandro, mayroon siyang ginawa noong nagsisimula pa lang siyang maglilok na pinaniniwalaan niyang nagdala ng magic para magkaroon siya ng magandang buhay ngayon.
“Mayroon akong proud na talagang ginawa noong simula pa lang. Kasi may magic ‘yon. At saka ‘yung isa ‘yung Black Nazarene sa Quiapo na 15 ft. ‘Yun ‘yung mga ‘di ko malilimutan ng Obras de Paete,” ani Leandro.
Ginawa ni Leandro ang Black Nazarene sa loob ng anim na buwan.
Ang isa pa sa maituturing niyang proud na nagawa kamakailan ay ang life-size na Voltes V gamit ang kahoy na mahogany.
“Kasi ang proseso niyon, binlocking ko muna ‘yun sa kahoy.
“Pagka-block ko, ipinorma naming maige ‘yung posisyon ni Voltes V. Kasi, hindi basta inukit, eh. Makikita mo, naka-action siya, eh. May dala siyang sword.
“Maraming proseso ‘yun (Voltes V) kung paano mong mabubuo nang maayos. Tapos, ang ginawa namin, pagkakuha roon sa styro, ipe-papier-mache para hindi matutuklap ‘yung styro.
“Naka-papier-mache siya, tapos habang inuukit ‘yan, nakaporma siya riyan. Para lahat ng scaling doon sa styro, lahat ng sukat, mapoporma na sa kahoy.
“So mas madaling proseso. ‘Yun nga lang, medyo mahaba pero mas smooth ‘yung takbo. Kasi mas matigas ‘yung kahoy. Kung doon ka mag-a-adjust nang mag-a-adjust, mas mahirap.
“Ngayon, in-adjust muna namin sa styro para kung makapal, kung manipis, nandoon na lahat. Kapaag kompleto na siya, at saka namin inukit sa kahoy, sa kamagong,” kuwento ni Leandro.
Talagang kahanga-hanga ang gawang iyon ni Leandro na nasa 5’2” ang taas ni Voltes V, na tinapos niya at ng kanyang staff sa loob ng dalawa’t kalahating buwan.
Bukod tangi ang pagpapagawa sa kanya ng Voltes V dahil karaniwan, religious figures na gamay na gamay namang gawin ng aktor.
Sa ngayon, tinatapos naman niya ang mahigit 100 vintage lampposts para sa Pagsanjan at 35 pa para sa isa pang bayan sa Laguna.
“Mas malalaki ‘yun kaysa lampposts ng Jones Bridge sa Manila,” na totoo naman dahil ipinakita niya iyon sa amin.
Bagamat abala sa kanyang business, hindi pa rin nakawala si Leandro sa tawag ng showbiz. May mga natapos na siyang serye sa GMA at may dalawang teleserye pa siyang gagawin. May special appearance ein si Leandro sa pelikulang AbeNida nina Allen Dizon at Katrina Halili na idinirehe ni Louie Ignacio.
“Kailangan ko pa rin ang showbiz bukod sa hinahanap-hanap ko, malaking tulong din sa negosyo ko para maging visible ako,” sambit pa ni Leandro.