HALOS walang pagsidlan ng tuwa at kasiyahan na nauwi pa sa pagiging emotional ng Asia’s Princess of Songs na si Emma Cordero nang kompirmahin ng National Artists for Films and Broadcast Arts at nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang kanyang pagdalo sa ikapitong taong event ng Word Class Excellence Japan Awards (WCEJA) sa Fukuoka,Japan na gaganapin sa New Otani Hotel sa October 30, 2023.
Nangyari ang kompirmasyon ni Ate Guy nang maging special guest siya sa on-line show ni Emcor sa Youtube, ang Official Emma Cordero channel noong April 2, 2023.
Ramdam din sa Superstar ang excitement sa nasabing event na bibigyan ng tribute bilang Nora Aunor, The Superstar at personal na igagawad sa kanya ang pinakamataaas na karangalang ibinibigay ng WCEJA sa taong ito, ang Golden Honor in the Field of Motion Picture. Ito ang ika-11 okasyon ng WCEJA na ginaganap sa Japan at Pilipinas kada taon simula noong 2016.
Ani Ate Guy, “Oo naman, okay ako, walang problema lalo na’t nagkakausap na tayo tungkol diyan,” sambit ng Superstar kay Emcor o Emma Cordero.
Sampung minuto lang ang inilaan ni Ate Guy sa kanyang guesting sa programa pero umabot si Ate Guy ng isang oras dahil naging interesting ang topic. (Nasa Youtube Offcial Emma Cordero channel dated April 2 ang buong episode ni Ate Guy).
Sa naganap na kuwentuhan, hindi maiwasang maluha ni Emcor dahil pinag-adya ng Panginoon na sa pamamagitan ng WCEJA, ay personal niyang makakausap at makakasama ang idolo niyang naging daan para siya’y maging isang matagumpay na singer ngayon.
Sambit ni Emcor, “Nagpapasalamat ako sa Itaas at nagkaroon ako ng chance na makasama si Ate Guy. Nagpapasalamat din ako kay Ate Guy dahil mula pa noon ay pinangarap ko nang makasama siya at ito na nga ang ibinigay sa atin na opportunity ni Lord. Alam naman ng Diyos kung ano ang nasa isip at nasa puso natin.
“Kahit na noong nag-start pa lang ang WCEJA, si Ate Guy na agad ang nasa isip ko dahil alam naman natin na ang isang Nora Aunor ay pride ng bawat Filipino.
“Si Ate Guy, nagsikap para makatulong sa pamilya ganoon din ako kaya in one way or another, halos pareho ang pinagdaanan namin.
“Sabi ng mother ko noon, ang kayamanan natin ay ang puso natin at ang pagmamahal natin sa kapwa, kaya maging positive lang lagi at maging masaya.
“Kaya naging emotional ako kasi bukod sa na-nominate si Ate Guy sa WCEJA, tapos ito na nga, magkakaroon pa ng katuparan ang pagpunta niya through her commitment. Through WCEJA, pinagtagpo kami ni Ate Guy,” paglalahad ni Emcor.
Diin pa ni Emcor, “Thank you so much, Ate Guy. Gusto ko lang mai-share sa lahat ang mga pangarap natin at dapat, maging totoo lang tayo lagi.”
Sinegundahan naman ni Ate Guy ang mga nasambit ni Emcor na kahit noong una pa lang silang nagkita sa Mario’s Restaurant sa Morato, Quezon City, noong Marso, naramdaman na niya ang tunay na pagkatao at ang mabuting puso ni Emcor. Na ang tulad ni Emcor ang dapat tumbasan din ng parehong pagmamahal at importansya.
Wala nang duda na nagkahulugan ng loob at tiwala sa isat’isa sina Ate Guy at Emcor. Kaya nasambit pa ni Emcor kay Ate Guy na pagkatapos ng event ng WCEJA, gusto nyang ipasyal ito sa ilang tourist spots sa Fukuoka.
At dahil mauuna ang WCEJA sa Pilipinas kaysa Japan, inimbita rin ni Emcor sa Ate Guy sa okasyon na gaganapin sa Heritage Hotel sa June 18.
“Sabihan niyo lang po ako at darating ako,” seryoso at nakangiting sambit ni Ate Guy kay Emcor.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang magagandang talakayan lingo-linggo sa Official Emma Cordero Youtube Channel ng singer-philanthropist na noong Marso ay ginanap ang first anniversary. Naka-on leave naman sina Kadumagat Vlog at Chorz de la Cruz sa show. Regular co-host niya ngayon ang dating ABS-CBN Entertainment reporter/ writer na si Direk Obette Serrano at Baby Eliz Latoja with weekly guests, Linggo, 4:30 p.m. (Philippine time)at 5:30 p.m (Japan time).
Unstoppable rin si Emcor sa Voice of an Angel Foundation na nagpapaaral ng mga batang mahirap pero karapat-dapar na mag-aaral. Pero pipili siya ng dalawang scholar mula kinder/elementary hanggang high school bilang anniversary gift niya sa anibersaryo ng kanyang Youtube Channel basta magpapakita lang ng mataaas na grado. At siyempre ang kanyang pagkakawanggawa ay tuloy pa rin na halos naging bahagi na ng buhay ni Emcor.
Plano rin ni Emcor na pasukin ang film production pero tinitiyak niyang hindi niya iiwan ang recording at music world! (Obette A. Serrano)