SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAGKALABAN man, nakabuo pala ng fandom sina Jane de Leon at Janella Salvador dahil na rin sa ilang mga tagpo nila sa Mars Ravelo’s Darna. Ang tinutukoy namin ay iyong kilig moments nina Darna at Valentina. Kaya naman maraming fans ang gustong masundan ang pagsasama nila after ng Darna.
Hiling nga ng mga Darlentina at JaneNella na gumawa at magsama sina Jane at Janella sa isang proyekto na may temang LGBTQIA+.
Sa naganap na finale presscon ng Darna noong Lunes ng tanghali sa 9501 Restaurant sa ABS-CBN, natanong ang dalawa sa pagsikat ng kanilang “tambalan” at kung game ba silang gumawa ng GL o girls’ love series o movie.
Ani Jane, “Roon sa fans, sobrang ‘yun nga, lagi naming sinasabi na talagang unexpected na sumabog ‘yung Darlentina and JaneNella, especially sa panahon ngayon. Hindi naman natin inaakala na mangyayari.
“Grabe ‘yung pagmamahal na ibinigay niyo sa aming dalawa ni Janella,” dagdag pa ni Jane.
Sabi naman ni Janella, “We are so thankful, and like I said kanina, it was unexpected, but it’s such an honor din to have the LGBTQ community supporting you.
“Like, nakaka-warm din siya ng puso na you have them. Nakatutuwa.
“Of course, why not?”
“Why not? Pero sana maganda talaga ‘yung story. Kasi it’s all about the craft din naman, ‘di ba kasi artist din kami. So challenge rin ‘yun sa amin, if ever,” sambit pa ni Jane.
Idinagdag din ni Janella na nakatitiyak siyang matutuwa at maa-appreciate ng LGBTQIA+ community kung magsama nga sila ni Jane sa isang lesbian series.
“Simply because, wala pa ngang magandang representation for that aspect, kaya open ako and willing ako. Wholeheartedly, I would do it talaga.
“Feeling ko, gusto lang nila ma-represent ng maayos. Hindi ‘yung ma-treat siya na parang it’s something different. They want to belong. So parang I think, we should normalize it,” aniya.
Bagamat parehong bago sakaling gagawa sila ng lesbian series ni Janella, okey na okey kapwa sa dalawa ang proyektong ito.
Samantala, dinumog naman ng libo-libong fans ang back-to-back #DarnaCaravan na ginanap sa Vista Mall Bataan at Robinsons Galleria South sa Laguna noong Sabado (Enero 28 )at Linggo (Enero 29). Nagpasalamat ang Darna cast sa mga manonood sa patuloy nilang suporta at pagmamahal sa programa.
Lilipad din ang Darna cast sa KCC Mall sa General Santos City sa Biyernes (Pebrero 3) at Ayala Malls Trinoma sa Linggo (Peb. 5) para sa pagpapatuloy ng caravan.
Simula nang umere ang Darna noong Agosto 2022, namayagpag ang programa bilang isa sa top-rating series sa telebisyon at digital. Patuloy din itong nangunguna bilang most-watched show sa iWantTFC, inaabangan araw-araw ng mahigit sa 100,000 concurrent viewers sa Kapamilya Online Live, at umaani ng milyon-milyong combined views sa YouTube kada episode.
Naging most-searched primetime Philippine TV series din sa Google ang Darna. Noong 2022, umani rin ito ng iba’t ibang Darna-related content sa TikTok na may #Darna na may pinagsamang 2.3 billion views.
Abangan ang pinakamatinding giyera sa huling dalawang linggo ng Darna, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, CineMo, A2Z, at TV5. Available rin ang ABS-CBN series na ipinrodyus ng JRB Creative Production sa iWantTFC at TFC.