BINAWIAN ng buhay ang tatlo katao habang sugatan ang 20 iba pa nang bumangga sa puno ang isang pampasaherong bus na bumibiyahe mula lungsod ng Baguio patungong Quezon City nang sumadsad sa highway sa bayan ng Pugo, lalawigan ng La Union nitong Martes ng umaga, 3 Enero.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang pangalan ng namatay na konduktor at dalawang pasahero dahil ipinaalam muna sa kanilang mga kaanak.
Nabatid na binabagtas ng bus ang kannag bahagi ng Palispis-Aspiras Highway sa Sitio Castilla, sa bayan ng Cares dakong 10:30 am, dalawang oras mula nang umalis sa terminal sa Baguio, nang maganap ang insidente.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, sumabog ang isa sa mga gulong ng bus, dahilan kaya nawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan at bumangga sa puno sa tabing kalsada.
Bukod sa tatlong idineklarang namatay, naitala ng pulisya ang hindi bababa sa 20 pasaherong nasugatan.
Ayon sa municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO), lulan ng bus ang hindi bababa sa 42 pasahero.
Dinala ang mga sugatan sa Agoo District Hospital at La Union Medical Center para malapatan ng atensiyong medikal.