PATAY ang isang konsehal habang sugatan ang alkalde at kanyang kasama sa insidente ng banggaan ng tatlong sasakyan nitong Sabado ng gabi, 24 Disyembre, sa bayan ng Quezon, lalawigan ng Isabela.
Iniulat ng isang lokal na estasyon ng radyo na pumanaw si Candido Andumang, konsehal sa naturang bayan; habang sugatan si Quezon Mayor Jimmy Gamazon, Jr., at ang kanyang kasama.
Ayon sa Quezon MPS, minamaneho ni Andumang ang kanyang pick-up truck pauwi sa kaniyang bahay mula sa Poblacion.
Nabatid na lumipat siya sa kabilang linya at nabangga ang SUV na minamaneho ni Mayor Gamazon na nakabangga rin ng isa pang SUV.
Ayon sa mga awtoridad, tumaob ang sasakyan ng konsehal dahil sa lakas ng pagbangga nito.
Dinala ang konsehal sa pinakamalapit na pagamutan kung saan siya idineklarang dead on arrival, habang dinala ang sugatang alkalde at kanyang kasama sa isang pribadong ospital.
Samantala, ligtas at hindi nasaktan ang sakay ng isa pang SUV mula sa lungsod ng Tuguegarao.