ni ROSE NOVENARIO
UNCONSTITUTIONAL o labag sa Konstitusyon ang paggamit ng investible funds para sa panukalang Maharlika Wealth Fund, ayon kay retired Supreme Court Justice Antonio Carpio.
Sinabi ni Carpio, ang mga pondo ng GSIS at SSS ay personal na kontribusyon ng kanilang mga miyembro, kasama ang counterparts mula sa kanilang mga amo.
“Kaya, ang kita ng SSS at GSIS investible funds ay dapat na makinabang lamang ng kani-kanilang miyembro. Ang kita ng Maharlika Sovereign Wealth Fund ay para sa kapakanan ng lahat ng Filipino, kabilang ang hindi miyembro ng SSS at hindi GSIS,” aniya sa isang pahayag.
Hindi aniya maaaring ibigay ng batas ang kita mula sa pondo ng SSS at GSIS sa mga hindi miyembro na hindi nag-ambag sa pondo. Ito ay pagkuha ng pribadong ari-arian para sa pampublikong layunin nang walang makatarungang kabayaran, na labag sa konstitusyon.
Ang pagtatatag ng Maharlika Wealth Fund na iminungkahi sa ilalim ng House Bill 6398, ay may layuning payagan ang gobyerno na mamuhunan ng mga surplus na reserba o kita sa real estate at financial asset.
Kabilang sa mga may-akda ng panukala ay sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at Ilocos Norte 1st District Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III, pinsan at anak, ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa ilalim ng panukala, papayagang mag-invest ng kanilang pondo ang mga government financial institutions (GFIs) tulad ng GSIS, Social Security System (SSS), Land Bank of the Philippines (LandBank), at Development Bank of the Philippines (DBP), para sa mas mataas na kita.
Ang SSS ay may mandatong isulong ang katarungang panlipunan at magbigay ng proteksiyon sa mga miyembro at pamilya laban sa mga panganib ng kapansanan, pagkakasakit, maternity, katandaan, kamatayan, at iba pang contingencies na nagreresulta sa pagkawala ng kita o pinansiyal na pasanin.
Habang ang GSIS ay may tung kuling i-insure ang lahat ng properties, assets, at interes ng gobyerno laban sa insurable na panganib.
Naunang nagpahayag ng pagkabahala ang ilang mga stakeholder kabilang si Bangko Sentral Governor Felipe Medalla sa iminungkahing panukala dahil ang epekto nito sa mga reserba ng bansa at ang kawalan ng transparency.
Naalarma rin sa HB 6398 ang may 12 business group kabilang ang Makati Business Club (MBC), Management Association of the Philippines (MAP), at Foundation for Economic Freedom (FEF).
Sinabi ni Sen. Imee Marcos noong nakaraang lingo, ang pondo ay maaaring magaya sa kapalaran ng kontrobersiyal na 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na nasimot dulot ng korupsiyon at naging sanhi ng pagbagsak ng dating Malaysian Prime Minister Najib Razak.
Umaarangkada na rin ang online petition laban sa MWF na nangangalap ng 25,000 lagda para isumite sa Kongreso.
Tikom pa rin ang bibig ng Malacañang hanggang sa ngayon kahit itinuro si Pangulong Marcos Jr., bilang may basbas sa pagbubuo ng MWF.