HINDI tatantanan ng kilos-protesta ng mga manggagawa ang administrasyong Ferdinand Marcos, Jr., hangga’t hindi ipinagkakaloob ang hirit na umento sa sahod at iba pang makatarungang kahilingan.
Ang “show of force” ng kilusang paggawa ay ipinamalas sa pagsasama ng iba’t ibang labor groups sa “Araw ng Masang Anakpawis” rally kahapon sa paggunita sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.
Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) chairman Elmer Labog, ang kilos protesta kahapon ay ‘babala’ para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na agarang kumilos sa mga kahilingan ng mga manggagawa.
Aniya, maaaring maglabas si Marcos ng executive order na nagbibigay ng dagdag sahod o sertipikahan bilang apurahang nakabinbing wage bill sa Kongreso.
“Kami ay nananawagan ng sahod na hindi bababa sa P1,100 kada araw para sa pribadong sektor at P33,000 kada buwan para sa pampublikong sektor,” sabi ni Labog.
Bukod sa pagtaas ng sahod, iginiit ng mga manggagawa ang mas maraming trabaho, de-kalidad na serbisyo publiko at mga karapatan sa paggawa.
Nagsagawa ng “blank paper” na protesta ang mga miyembro ng labor coalition na Nagkaisa para igiit ang labor agenda na, anila’y kulang sa administrasyong Marcos.
Nagsagawa ng “blank paper” at “die-in” protests ang Nagkaisa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila bago sumama sa iba pang grupo ng manggagawa sa Mendiola, sa San Miguel, Maynila.
“Ngayon ang unang pagkakataon na karamihan sa ating mga plakard ay walang mga islogan. Ito ay dahil ang mga blankong papel mismo ang naghahatid ng mensahe na ang isang labor agenda ay nananatiling blanko o nawawala sa ilalim ng bagong administrasyong ito,” ani Nagkaisa chairman Sonny Matula.
Para sa Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa secretary general Josua Mata, patuloy na nagdurusa ang mga manggagawa sa sahod, kawalan ng trabaho at kontraktwalisasyon.
Nagpahayag si Mata ng pag-asa na ang mga manggagawa ay ituring bilang prayoridad ng administrasyong Marcos Jr.
Ikinalungkot ng mga grupo na ang kasalukuyang P570 arawang minimum na sahod sa National Capital Region (NCR) ay malayo sa P1,133 arawang sahod na kailangan para masuportahan ang isang pamilyang may limang miyembro.
Idinagdag nito na habang ang mga manggagawang Filipino ay naghihikahos sa epekto ng tumataas na inflation at ng pandemyang COVID-19, ang malalaking korporasyon, kabilang ang mga dayuhang kompanya, ay patuloy na kumukuha ng kita.
“Patuloy na pinapaboran sila ng gobyerno ng tax incentives at (tax) holidays. Ang gobyerno ay patuloy na nagpapahintulot sa mga kartel ng langis, mga kartel ng asukal at iba pang mga kartel na umunlad at magpatuloy sa kanilang mga oportunistang pakana,” pahayag ng KMU. (ROSE NOVENARIO)