ni ROSE NOVENARIO
WALA pang isang buwan mula nang italaga bilang general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA), napaulat kahapon na hinirang naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si Atty. Jose Arturo “Jay Art” Tugade bilang bagong hepe ng Land Transportation Office (LTO).
Tikom ang bibig ng Malacañang sa tanong ng media kung lehitimo ang ipinaskil na larawan sa Facebook ng broadcaster na si Anthony Taberna na nanumpa kay Transportation Secretary Jaime Bautista si Jay Art bilang bagong pinuno ng LTO.
Ang anak ni dating transportation secretary Arthur Tugade ay pinalitan umano si Atty. Teofilo Guadiz III na itinalaga na bilang Assistant Secretary for the Road Sector ng Department of Transportation.
Matatandaan noong 25 Oktubre 2022 ay kinompirma ni Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil na nilagdaan ni FM Jr., noong 21 Oktubre 2022 ang appointment papers ni Jay Art bilang MIAA general manager.
Kaugnay nito, inihayag ng OPS na hinirang ni FM Jr., si Atty. Ernesto Perez bilang bagong Director General ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) kapalit ni Atty. Jeremiah Belgica, na nagsilbing pinuno ng ahensiya mula Hulyo 2019 hanggang Hunyo 2022.
Si Perea ay nagsilbing Deputy Director General for Operations at concurrent Officer-in-Charge (OIC) ng ARTA.