ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang isang beteranong mamamahayag at anti-Marcos activist bilang Philippine ambassador sa China.
Nabatid sa record ng Commission on Appointments (CA), hinirang ni FM Jr., si dating CNN Beijing bureau chief at anti-Marcos activist Jaime A. FlorCruz, bilang bagong Philippine ambassador to China kapalit ng namayapang si Jose Santiago “Chito” Sta. Romana.
Si FlorCruz, 71, ay isang estudyanteng anti-Marcos activist na naging exile sa China noong panahon ng batas militar ni Marcos Sr.
Nagsilbi siya bilang Beijing Bureau chief ng TIME Magazine at correspondent ng Newsweek sa China.
Saklaw ng hurisdiksyon ni FlorCruz bilang PH ambassador to China ang North Korea at Mongolia.
Samantala, itinalaga ni FM Jr., bilang Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to the Republic of Austria with concurrent jurisdiction over the Republic of Croatia, Republic of Slovenia and Slovak Republic si Evangelina Lourdes “Luli” Arroyo Bernas.
Si Bernas ay anak ni dating Pangulo at ngayo’y Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Pinalitan ni Bernas si Maria Cleofe R. Natividad, na itinalagang Philippine envoy to Austria noong 2017 ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinirang ni FM Jr. si Consul General to Vancouver Maria Andrelita Austria bilang Philippine ambassador to Canada. (ROSE NOVENARIO)