HATAWAN
ni Ed de Leon
KAPAG dumadating ang ganitong panahon, hindi lang ang mga kaanak, kundi ganoon din ang mga naging totoong kaibigan ay naaalala nating minsan pa sa panahong ito ng Undas. Totoong napakarami na rin nating kaibigang “nasa kabila” na.
Isa sa hindi namin makalimutan ay ang aktres at producer na si Mina Aragon. Matagal din ang naging pagkakaibigan namin ni Boss Mina, hindi pa siya “boss” noon. Kaibigan din naman kasi namin ang mga Salvador, lalo sina Kuya Leroy, at maging si Alona Alegre.
Nakilala namin si Boss Mina noong nagpo-produce pa siya ng mga stage show at pagkatapos niyon marami ngang trabaho kaming napagsamahan. Si Boss Mina lang ang nakagigising sa amin sa tawag sa telepono kahit na anong oras na hindi kami naiinis. Iba kasi talaga si Boss Mina.
Isa pang yumao na naging napakalapit sa amin ay ang actor na si Alfie Anido. Matagal pa kaming nagkuwentuhan ilang araw bago ang birthday niya, at kamatayan din niya noong 1981. Naalala namin, katatapos lang ng Pasko at nagpilit siyang magkita kami sa “dating istambayan” para maibigay niya ang kanyang Christmas gift. Noong panahong iyon ay iniwan na namin ang showbusiness, pero magkaibigan pa
in kami.
Isa pang naging kaibigan namin noong panahong nagsisimula pa kaming magsulat, at nananatiling kaibigan namin hanggang sa siya ay mawala ay si Ricky Belmonte. Mahusay na actor at napakabait talaga. Kung mayroon mang may nasasabi pa sa kanya, ewan na lang naming kung anong klase ng mga tao iyon.
Natatandaan din namin ang salubong sa amin ng erpat ng actor na si Joel Alano noong dumating kami sa Loyola, ang sabi niya “wala na ang kaibigan mo.” Totoo, bata pa iyang si Joel, palabas-labas lang sa tv noong nagsisimula pa, nang maging kaibigan namin.
“Magpa-by pass ka na. Tingnan mo ako tapos na. Isipin mo iyang sarili mo,” ang paalala sa amin ni Ate Luds, si Inday Badiday, si Lourdes Jimenez Carvajal. Kausap namin siya sa telepono habang nasa ospital kami, at isinumbong kami sa kanya na tumatanggi sa by pass operations at maging sa angioplasty. Pero sa awa ng Diyos, bumuti ang aming kalagayan, at habang papalabas kami sa ospital, nabalitaan naman naming siya ang ipinapasok na muli sa ospital. Iyon palang usapang iyon ang huli na naming pag-uusap.
At makakalimutan ba namin si Kuya Germs (Moreno)? Si Kuya Germs, ayaw niyan magpunta sa ospital dahil takot siya. Pero noong naospital kami, halos araw-araw tumatawag sa amin ang kanyang sekretaryang si Chuchi, o kaya nagpupunta sa ospital kasi gustong malaman ni Kuya Germs ang aming kalagayan. Kung ano ang nangyari sa amin, ganoon din ang nangyari kay Kuya Germs, pero masyado siyang masipag. Hindi niya ininda ang sakit at siya pa rin ang namamahala sa lahat sa kanyang show. Masyado siyang na-stress kaya nga pinayagan na siya ng Diyos na tuluyang magpahinga.
Hindi rin namin akalain, maagang magpapahinga si Boss Jerry Yap. Mas batang ‘di hamak si Boss Jerry sa amin. Tuwing dadatnan namin siya sa office, siya pa ang nagpapaalala sa amin na huwag masyadong magpapagod. Natatandaan pa namin, noong huli namin siyang makita, binigyan pa niya kami ng isang kahon ng tsaa, na sinasabi niyang nakabuti sa kanya. Pero iyong mga mababait na taong kagaya nga ni Boss Jerry, sila yata ang binibigyan ng maagang kapahingahan ng Diyos, dahil siguro sapat na ang kanilang nagawa para sa kanilang kapwa. Nagulat din kami nang bigla na lang siyang nawala.
Napakarami pa ring mga kaibigang inaalala sa mga ganitong panahon, sapagkat ang kamatayan ay hindi lubusang makapaghihiwalay sa mga magkakaibigan.
Requiem aeternam donais Domini, et lux perpetua luceat eis requiescant in pace.