HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKAKUWENTUHAN namin ang fashion designer at talent manager na si Bobby Yalong na muli naming nakita after 22 years. Bukod sa painting at pagde-design pa rin ng mga damit, nagdidirehe na rin si Tito Bob ng mga concert sa US.
Okey naman na trabaho iyon, pero isinusumpa niya, may isang female singer na hindi na niya ididirehe ang show kailanman. Alam naman daw ng mga tao na ang singer ay born again, pero nagbayad ang mga tao para sa concert. Gusto siyang marinig na kumanta. Aba ang ginawa raw ay nagsermon nang nagsermon, na mas mahaba pa kaysa kanta niya. Bukod doon pinatawag siya bago magsimula ang show. Tinanong siya kung ilan ang front act, sinabi niyang apat at tigalawang kanta ang bawat isa. Sabi raw ng female singer, “masyadong mahaba iyon. Hindi ba puwedeng tig-isang kanta na lang sila?”
Sabi nga raw ni Tito Bob, iyong apat, sila ang nagbenta ng mga ticket dito para may manood sa inyo. Alisin mo iyan eh kung umalis ang mga taong bumili ng tickets na mga kaibigan nila, sino ang manonood sa inyo?
Sa ganoon daw natapos ang usapan, basta siya, nangako na siya sa kanyang sarili na hindi na niya ulit ididirehe ang alin mang show ng singer na iyon.