HATAWAN
ni Ed de Leon
MATAPOS ang halos isang taong pananatili sa ospital matapos na magkaroon ng atake sa puso, nailabas na rin ni Andrew Schimmer ang kanyang asawang si Jho sa ospital. Isipin ninyo, siguro dahil nataranta na nang atakihin ang kanyang asawa, at dahil iyon ang pinakamalapit na mapagdadalhang ospital, naipasok si Jho sa St. Lukes Hospital sa BGC na kung sabihin nga isa sa pinakamahal na ospital sa Pilipinas. Tumagal sila nang halos isang taon, dahil napasok doon ang kanyang asawa noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Isipin ninyo, ilang milyong piso kaya ang inabot na kabuuang gastos? Kaya nga humingi na rin ng tulong si Andrew sa mga kapwa niya artista dahil sa sitwasyong iyon.
Ngayong humusay-husay na ang kalagayan ng kanyang asawa, nagdesisyon nga silang sa bahay na lang magpapagaling nang husto, at dahil makikita naman ninyo, na kailangang ihatid pa iyon ng ambulansiya pauwi, hindi pa masasabing ganap nang magaling iyon. Pero sana tuluyan nang gumaling si Jho.