HATAWAN
ni Ed de Leon
SUMAILALIM na sa drug testing si Sen. Robin Padilla, kasunod ng tinutulan niyang panukala ni Cong. Ace Barbers na gawing mandatory para sa mga artista ang drug testing, kasunod ng pagkakadampot kay Dominic Roco sa isang buy bust. Ginawa siguro niya iyon bilang tugon din sa kanyang hamon na huwag artista lang ang isailalim sa drug testing kundi pati ang ibang professionals kabilang na silang mga politiko.
Kung iisipin mo nga naman, mas nakahihiya iyong may namumunong addict sa bayan kaysa sinasabing artistang may bisyo, at hindi nila maikakaila na may mga nakaupong politiko na kung hindi man ngayon, minsan ay naging addict din.
Iyang panukalang iyan sa house ay tinutulan ng Film Academy of the Philippines (FAP) na pinamumunuan ni Rez Cortez. Ganoon din ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinamumunuan ni Tirso Cruz III, na nagsabing hindi lang unfair at labag sa kanilang human rights ang mandatory testing ng mga artista. Dagdag na gastos pa iyan para sa producers samantalang hindi pa nakababangon ang industriya matapos ang sunod-sunod na lockdown na tuluyang pumatay dito. Napakalaki na nga ng tax sa pelikula na kung susumahing lahat ay umaabot na sa 52% ng kabuuang kita, ngayon madadagdag pa iyang gastos ng mandatory testing kung sakali.
Pero kung magagawa nilang batas ang mandaroty testing sa lahat ng Filipino, anuman ang trabaho, at may salapi ang gobyerno para maging libre ang drug testing, at kung nakahanda silang humarap na naman sa isang kaso ng paglabag sa human rights sa ICC, eh di sige ituloy ninyo iyan.