HATAWAN
ni Ed de Leon
HANGGANG Korte Suprema ay nakahandang umapela ang legal team ni Vhong Navarro kung hindi ire-reverse ng Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman na ikulong ang aktor sa kasong rape nang walang bail. Talaga namang walang bail ang kasong rape, pero kung sa tingin ng korte ay mahina ang depensa ng prosecution, maaari silang magtakda ng piyansa para sa kasong iyon, lalo na nga’t ang supect ay isang kilalang tao at hindi naman basta makatatakas.
Hanggang ngayon, pending pa rin ang apela ng legal team ni Vhong sa CA, kaya naipatupad pa ang utos ng RTC ng Taguig na ikulong siya nang walang bail, pero suwerte na rin siya na nalagay siya sa NBI
Detention Center at hindi sa city jail. Tiyak na mas maayos ang kanyang kalagayan sa NBI detention center.
Samantala naglabas naman ng statement si Deniece Cornejo sa pamamagitan ng kanyang social media, matapos ding tumanggi sa lahat ng interview at nagsabing, “kung ako instrumento para maging ehemplo sa mga kababaihan na maging matatag sa naabuso, nasasaktan at napagsasamantalahan, paglalaban ko at paninindigan,” sabi niya.
May nagtatanong, bakit daw ngayon pa pumutok iyan eh 2014 pa iyan at makailang ulit na ngang pinawalang bisa ng piskalya. Iyon ay dahil nanatiling buhay ang kaso, dahil matapos iyong dispatsahin ng piskalya at DOJ, isinampa nga nina Cornejo ang kaso sa CA at ngayon lamang lumabas ang desisyon niyon na walang karapatan ang piskalya na i-dismiss ang isang kaso ng rape at hindi paabutin sa hukuman, kaya inutusan nila ang mga hukuman na umaksiyon, at isampa sa mga iyon ang kaso na kinakitaan nila ng sapat na dahilan para maisampa sa hukuman.
Iyon naman ang tinututulan ng legal team ni Vhong.
Ito ay isang running legal story at malalaman lang natin ang katotohanan oras na ang lahat ng ebidensiya ay mailabas na at napagtibay ng korte. Sa ngayon wala tayong magagawa kundi ireport lamang ang mga pangyayari.