MUKHANG hindi lang ang mga dating sikat na singers na sina Tillie Moreno at Eva Eugenio ang dapat kumanta ng Saan Ako Nagkamali, na naging malaking hit din noong araw. Mukhang kailangan na ring pag-aralan ni Daniel Padilla ang nasabing kanta.
May ambisyon din naman si Daniel, gusto rin niyang kilalanin siya bilang isang actor at hindi lang matinee idol. Mabilis siyang sumikat bilang matinee idol. Bakit ba naman hindi eh sa guwapo ba naman niyang iyon. Pero iba siyempre iyong matatawag kang actor.
Nanalo na naman siya ng award bilang mahusay na actor noon para sa pelikula niyang Barcelona. Dalawang ulit siyang nominated sa The Eddys, ang award na hindi pa nabibili, at kahit hindi siya nanalo ok na iyon. Pero walang duda na award ang target niya nang gawin niya ang isang indie na kasama si Charo Santos, tiyak hindi box office dahil hindi naman kikita ang ganoong pelikula. Pero aywan kung bakit minalas yata siya roon. Nasabi pa namang nag-flop ang pelikula niya, hindi pa kinilala ang acting niya.
Nakahihinayang si Daniel. Hindi maikakailang siya pa rin ang pinakasikat na matinee idol sa ngayon. Nanlamig si Alden Richards nang iwanan ni Maine Mendoza. Nawala rin naman si James Reid nang mag-alboroto siya sa kanyang mga dating producer at nagsolo. Iyong iba namang mga bago, malayo pa iyan.
Maganda iyong kanyang serye, pero hindi naman tumaas ang ratings. Kasi ang inaasahan lang nila bukod sa cable at internet ay iyong blocktime sa dalawang estasyon, mahina pa ang isa, at kahit naka-blocktime pa sila sa dalawang free tv, hindi pa rin nationwide ang kanilang broadcast.
Dapat dumiskarte na si Daniel ng pagbawi niya ngayon.