HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG isang gabi, may ipinadalang picture sa amin ang fotog na si Fernan Sucalit na nagtatanong tungkol sa naging leading man noong araw ni Nora Aunor na si Manny de Leon. Of course alam namin iyon at inabot namin ang panahong iyon. Tapos kinabukasan may nakita kaming post na naalalang birthday nga pala ni Manny, pero mali ang post kasi ang sabi ang tunay niyang pangalan ay Emmanuel.
Ang tunay na pangalan ni Manny de Leon ay Manuel Enrico de Leon, kaya ang mga kaibigan niya kung tawagin siya ay Rico. Pero sa kanila ang tawag sa kanya ay “Boy.”
Sa huling narinig namin ok naman ang buhay ngayon ni Manny.
Medyo tumaba nga lang daw at siyempre nagka-edad na rin pero ok pa siya. Roon pa rin daw nakatira sa dating bahay nila sa Mandaluyong.
Naging recording artist din siya noong araw ng Alpha at may mga hit ding kanta. Nag-produce rin sila ng pelikula noon. Maganda naman ang buhay nila at hindi masasabing showbiz lang ang inaasahan nila.