HATAWAN
ni Ed de Leon
SA totoo lang, nakikisimpatiya kami kay Enrique Gil, na ang buong career ay natali sa love team nila ni Liza Soberano, tapos maiiwan lang pala siya dahil sa mataas na ambisyon ng leading lady niya.
Wala kang maririnig kay Enrique. Tama naman iyon dahil kung ano man ang nangyari pinayagan niya eh, sinakyan niya rin. Hindi siguro niya akalain na ganyan ang kalalabasan. Pero ang paniwala namin, kung maire-repackage lamang ang personalidad at ang career ni Enrique, makababangon iyan nang husto, baka mas sumikat pa kaysa dati. Pero kailangan diyan ang matinding pagpapakete. Sana may magka-interes na gawin iyan kay Enrique, dahil sa sitwasyon ngayon na wala ngang prangkisa, at natural walang kita, ang ABS-CBN, baka mahirap kung iyon lang ang aasahang magpakete sa kanya.
Kung halimbawa may isang film company na tutulong, malaking bagay iyon.