KASALI na si Matteo Guidicelli sa magbibigay proteksiyon kay Pangulong Ferdinand Bong Bong Marcos. Ito’y matapos niyang sumabak sa Presidential Security Group (PSG) training program.
Ang TV host-actor at military reservist ay kasama sa Class 129 ng Very Important Person Protection Course (VIPPC) ng PSG. Nagsimula ang training ni Matteo noong Agosto 25 sa Malacañang Park sa Manila base na rin sa inilabas na ulat ng Philippine News Agency.
Sa mga larawang ibinahagi sa official Facebook page ng PSG, makikita ang aktor habang nasa training. Ibinahagi rin iyon ni Matteo sa kanyang Instagram stories na may caption na, “Ready for class.”
Ang VIPPC training ni Matteo ay isang highly-specialized professional service course na ino-offer sa mga PSG trooper na dedicated para matiyak ang 360-degree protection ng presidente, ng kanyang immediate family, gayundin ng mga visiting heads of state o government.
Ilan pa sa mga bagay na pinag-aaralan sa training ay marksmanship, close-in security, security task action group, combat, physical fitness, at field training exercises.