NAHAHARAP sa 12 hanggang 20 taong pagkabilanggo ang utak ng kumalat na pekeng appointment ni Atty. Abraham Espejo bilang bagong Bureau of Immigration (BI) commissioner.
“Ayon sa Revised Penal Code, Article 161, ang pag-forge ng great seal of the government, signature ng President or stamp ng Presidente ay pinaparusahan ng reclusion temporal; ang reclusion temporal po ay 12 to 20 years,” sabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa press briefing sa Malacañang kahapon.
Aniya, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police -Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na imbestigahan ang usapin.
“Mabigat ‘yung penalty na ito. ‘Yung ganitong klaseng crimes can cause instability. Ito po ‘yung pangunahin sa isip ng ating Pangulo na magkakagulo kung papabayaan nating mangyari,” giit niya.
“Tandaan natin, signature ng ating Pangulo ang pinaghihinalaan nating na-forge so medyo mabigat ‘yung implications niya. Hindi rin natin alam kung ano ang maaaring paggamitan ng mga ganoong klaseng dokumento. It can cause not just confusion but further crimes. Kung kaya’t, with this in mind, nag-order siya ng investigation,” dagdag niya.
Ikinaila ng Malacañang ang ulat na itinalaga ni FM Jr., si Espejo bilang bagong BI commissioner matapos kumalat kamakalawa ang kopya ng umano’y appointment paper na may petsang 22 Hulyo 2022.
Si Espejo ay dating dean ng College of Law ng New Era University na pagmamay-ari ng Iglesia ni Cristo (INC).
Nagsilbi umano si Espejo bilang abogado ni dating President Joseph “Erap” Estrada at Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos nang siya’y Commission on Elections (Comelec) chairman. (ROSE NOVENARIO)