DINAKIP ng mga pulis ang batikang commentator na si Waldy Carbonell kahapon ng umaga habang nagda-jogging sa Roxas Blvd., Pasay City sa kasong cyber libel na isinampa ng isang lokal na opisyal ng Ilocos Norte.
Kasama ni Carbonnel ang dating pangulo ng Publishers Association of the Philippines (PAPI) Johnny Dayang nang arestohin siya at dinala sa Caloocan City-CIDG office.
Naganap ang pag-aresto kay Carbonnel, dalawang araw matapos ihayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ‘iginagalang’ ng administrasyong FM Jr., ang press freedom.
Si Carbonell ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Imus, Cavite Regional Trial Court Branch 21 Judge Rocille Aquino Tambasacan.
Inihabla si Carbonell ni Mayor Eddie Guillen ng Piddig, Ilocos Norte ng 4 counts ng cyber libel dahil sa umano’y mga komentaryo ng veteran broadcaster hinggil sa mga reklamong kinakaharap ng alkalde sa Ombudsman.
Ayon sa misis ni Carbonell na si Jennifer, mula sa CIDG-Caloocan ay dinala ang kanyang mister sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame upang sumailalim sa medical examination dahil dating na-stroke ang veteran commentator at posibleng hindi kayanin ng kanyang katawan ang mabilanggo.
Dahil non-working holiday ngayon, bukas pa magkakaroon ng oportunidad na makapaglagak ng piyansa si Carbonell.
Dinakip si Carbonell kahapon, Linggo, kahit may umiiral na memorandum of agreement ang PNP at media groups na hindi dapat arestohin ang isang mamamahayag na nahaharap sa kasong libel hangga’t hindi ipinababatid sa media groups at hindi siya maaaring hulihin mula Biyernes hanggang Linggo, at pista opisyal, upang magkaroon ng tsansang makapaglagak ng piyansa.
Walang inilabas na pahayag si Angeles kaugnay sa pag-aresto kay Carbonell. (ROSE NOVENARIO)