INARESTO ng mga pulis ang kapatid ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Prospero De Vera III sa pagkakadawit sa mga kasong murder bunsod umano ng pagiging mataas na pinuno ng kilusang komunista.
Iniulat ni Philippine National Police (PNP) chief General Rodolfo Azurin, Jr., sa isang press briefing kahapon, dinakip ng intelligence operatives si Adora Faye De Vera, 67, staff officer ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front’s (CPP-NPA-NDF) general command, sa Malalahanin St.,Teachers Village East sa Quezon City sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Guilljie Delfin Lim ng Regional Trial Court Branch 22 ng Iloilo City.
Si De Vera umano ay kalihim ng Central Front ng CPP-NPA Regional Committee – Panay, at esposa ni CPP-NPA Central Committee member Jessie Lipura.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calinog municipal police sa Iloilo si Adora, residente sa Barangay Roosevelt, Tapaz sa Capiz.
Sinabi ni Azurin, si Adora ay nahaharap sa mga kasong “multiple murder and multiple frustrated murder with the use of explosives” at may hiwalay na kasong rebelyon.
Nag-ugat ang mga kaso sa umano’y insidente ng pananambang noong 19 Nobyembre 2005 na ikinamatay ng siyam na Army scout rangers at pagkakasugat sa 20 pang iba.
Ang nakababatang kapatid ni Adora na si CHED chairman Prospero ay dating nagsilbi bilang adviser ng Philippine negotiating panel sa peace talks sa CPP-NPA-NDF noong administrasyong Duterte.
Napaulat na si Adora ay naging political detainee noong martial law at isa sa 10 naghain ng class action suit sa US laban sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr. noong 7 Abril 1986.
Iginiit ng mga nagsampa ng kaso ang Alien Torts Act na nagbibigay ng karapatan sa survivors na asuntohin ang mga may pakana ng human rights abuses sa Estados Unidos. (ROSE NOVENARIO)