HATAWAN
ni Ed de Leon
SA kasalukuyan ay nakahimlay sa St.Peter Chapel sa Quezon Avenue ang mga labi ni direk Romy Suzara. Nagkaroon ng misa at
necrological services kagabi, at sinasabing siya ay ike-cremate sa Linggo ng umaga. Ganap na ang kapayapaan kay direk.
Ang dami pang kuwentong nauna, na kung saan-saang sources nagsimula kasi nga walang makapagbigay ng detalye, na sa tingin namin ay hindi na dapat ungkatin pa.
Tama ang suspetsa naming, cardiac arrest ang nangyari.
Sinasabi kasi nilang bumaba nang bumaba ang blood pressure hanggang sa bumigay na. Sa personal experience kasi namin kaya bumababa ang blood pressure nang tuloy-tuloy dahil hindi na makapag-pump ng dugo ang puso.
Maraming ginawang mga action picture si direk at totoo ang sinasabing siya ang gumawa ng halos lahat ng hit movies ni Rudy Fernandez. Pero mali ring sabihin na siya ang nagpasikat kay Rudy, dahil sikat na iyon noon. Ang talagang nagpasikat kay Rudy ay ang pelikulang Baby Ama, na isinulat at idinirehe ni Deo Fajardo.
Nakilala rin si direk sa paggawa ng mga wholesome movie para sa mga bata. Siya ang nagdirehe ng Sarah ang Munting Prinsesa ni Camille Prats, at niyong Cedie na ang bida naman ay si Tom Taus. Hango iyon sa mga animated series na mula naman sa mga kuwentong klasiko.
May mga ginawa ring pelikula si direk na tipong sexy. At may mga pelikulang masasabi mong ginawa para kumita, gaya nga niyong Vilma and the Beep Beep Minica pero siya rin ang director ng dramang Tatlong Mukha ni Rosa Vilma.
Marami ring magagandang alaala na naiwan si direk Romy. Iyon na lang ang alalahanin natin.