TINAWAG na katangahan ng isang transport group ang pagbubukas ng prankisa para sa 8,000 transport network vehicle service (TNVS) bilang solusyon sa problema sa masikip na trapiko ng mga sasakyan sa Metro Manila.
“‘Yun bang paglalagay ng napakaraming TNVS na binuksan 8k units, sinasabi nila noon solusyon sa traffic. ‘Yan ho, ako mismo, sarili ko po, pasensiya na po. Ngayon po sinasabi nila solusyon sa traffic ang pagbubukas ng prankisa ng TNVS, ay katangahan po nag-isip ‘nun,” ayon kay Orlando Marquez, national president ng Liga ng mga Transportasyon at Operators sa Pilipinas sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kamakalawa.
Para kay Marquez, hindi makatutulong sa mas maraming mahihirap na pasahero ang pagdaragdag ng 8K TNVS.
Nanawagan siya sa pamahalaan na maglunsad ng national public transport summit upang makapagbalangkas ng komprehensibong plano para malutas ang problema sa trapiko.
Giit ni Marquez, hindi sapat na ibinalik ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang dating ruta ng mga jeep at bus na pinutol noong magsimula ang CoVid-19 pandemic.
“Hindi pa po sapat, dahil kailangan dito nationwide bubuksan na mga ruta para ma-deliver kompletong serbisyo sa mamamayan lalong-lalo na mananakay mga estudyante dahil sa ngayon kulang na kulang nakikita natin paano stranded mga pasahero, umaga at hapon. E ‘di lalo na kung and’yan na mga estudyante, milyon, buong Filipinas,” aniya.
Ngayon ang opisyal na pagsisimula ng school year 2022 – 2023.
Nauna rito, inihayag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magpapakalat sila ng 500 traffic enforcers sa 146 paaralan. (ROSE NOVENARIO)