HATAWAN
ni Ed de Leon
TIMING ang ginawang announcement ni Iza Calzado na siya ay buntis. Kaya namin nasabing timing ay dahil siya pala ang nanay ng character na nilikha ni Mars Ravelo sa isang serye sa telebisyon. Actually napakalayo niyan sa orihinal na kuwento eh. Ang nanay pala ang totoong superhero, ipinamana lang niya sa kanyang anak.
Doon sa orihinal kasi, binigyan ng kapangyarihan ang super hero na nagmula sa isang bulalakaw na bumagsak sa lupa.
Pero kalimutan na natin ang pagbabago nila sa kuwento, ang topic kasi ay ang pagbubuntis ni Iza. Napapanahon na rin namang magbuntis siya at manganak.Aba eh 40-anyos na siya. Kung tatanungin ninyo maski na sinong OB-gyne, sasabihin sa inyong ang dapat na pinaka-late ng pagbubuntis, kung unang pagbubuntis iyon ha,
eh mga 35 years old. Basta mas matanda roon, mahihirapan na sa panganganak.
Hindi bale kung ikalawa o ikatlong pagbubuntis na, kahit na mas matanda ka pa, mayroon nga nag-menopause na nagkaka-anak pa.
Hindi ba may tinatawag na menopause babies?
Mabuti naman kahit na sabihin mong sa huling biyahe nakaabot pa si Iza. Kung hindi talagang mahihirapan na siyang magkaroon ng anak. At alam naman ninyo, para sa karamihan ng mga babae, hindi sila ganap na ina maliban kung may anak na sila. Sa mga lalaki bale wala iyon eh, pero babae kasi ang gumaganap at siyang nagdaranas ng lahat ng bagay mula pagbubuntis hanggang sa panganganak.
Buti naman nagbuntis na si Iza, at masasabing siya nga ay nanay na. Mas maganda namang pakinggan iyon kaysa tawagin lang siyang “nanay ni Darna.”