MATABIL
ni John Fontanilla
WALANG takot na binangga ng award-winning writer and director na si Vince Tañada ng pelikulang Katips ang Maid in Malacañang ni Darryl Yap na parehong ipapalabas sa Agosto 3.
Inamin ni Vince na sinadya niyang itapat ang kanyang pelikulang Katips: The Movie sa Maid in Malacanang ni Darryl.
Aniya, “Nilabanan ko talaga ‘yung ‘Maid in Malacañang.’”
“Sabi ko, now is the time, kasi this is about the truth and nobody can invalidate me, my personal experience as a victim of Martial Law,” sambit pa ni Vince.
Aniya, marami ang mga bumabatikos sa kanya at nagtatanong kung na-experience ba niya ang buhay noong kasagsagan ng Martial Law.
Pag-amin niya, sandamakmak ang kanyang bashers, “Ang daming bashers kung na-experience ko raw ang Martial Law?
“When I was born in 1974, eh ‘di sanggol daw ako noong nakulong. Hindi lang naman po dapat makulong para ma-experience mo ang horrors of ML. I was a child when my grandfather was incarcerated.
“Masakit po bilang bata ang maranasan ito lalo’t alam mong nakipaglaban lang si Senador Lorenzo Tañada para sa katotohanan. Paki-research na lang po ang buhay n’ya.”
Hindi rin takot si Atty. Vince sa magiging resulta ng kanilang pelikula sa takilya lalo na’t biglaan ang pagpapalabas muli nito sa mga sinehan. “Hindi kami takot sa kalalabasan ng pelikula namin dahil simple lang ang kuwento nito tungkol sa mga simpleng tao na nabubuhay noon. Wala kaming mga clip sa YouTube o kung anuman.”