NANUMPA bilang chief presidential legal counsel ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si dating Senator Juan Ponce Enrile.
Nagbalik sa gobyerno si Enrile, 98 anyos, tatlong taon matapos matalo sa 2016 senatorial elections.
Naging masugid na tagasuporta ng UniTeam nina FM Jr., at Vice President Sara Duterte si Enrile sa katatapos na halalan nitong Mayo.
Nagsilbing defense secretary at martial law administrator ng rehimeng Marcos Sr., si Enrile hanggang talikuran niya ang diktador at pangunahan ang People Power 1 Revolution noong 1986 kasama si noo’y PC-INP chief Fidel Ramos.
Naging magkasama sa Senado sina Enrile at Marcos Jr., mula 2010 hanggang 2016.
Noong 2014 ay nakulong si Enrile sa kasong plunder at kahit non-bailable offense ay pinayagan siyang makapaglagak ng piyansa bunsod ng ‘humanitarian reason.’
Matatandaan, inihayag ni UP Political Science Professor Jean Encinas-Franco, sa pagtatalaga ni Marcos Jr., kay Enrile sa kanyang gabinete, ang mensaheng nais iparating sa publiko ay tapos na ang kilusang People Power.
“It could also be saying that you know, wala na ‘yung EDSA. Kita n’yo, nandito na si Enrile na ulit sa amin ‘di ba. That can also be the case,” ani Franco sa programang The Chiefs sa One PH.
Gusto aniyang patunayan ng pamilya Marcos na sila’y nagbalik sa poder dahil sa legacy ni FM Sr.
Sa kabila aniya ng naging papel ni Enrile sa EDSA People Power 1 Revolution na nagpatalsik sa diktadurang Marcos, maaari aniyang napatawad na siya ng pamilya Marcos at nagtiwala muli sa kanya. (ROSE NOVENARIO)