BINILI lamang sa isang shopping mall. Ito ang ipinangalandakan ni Sen. Robin Padilla ukol sa suot-suot niyang Barong Tagalog para sa pagbubukas ng unang sesyon ng 19th Congress sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Inirampa ng dating action star ang nabiling Barong Tagalog na aniya’y binili lamang sa isang shopping mall at hindi tulad ng iba na gawa pa ng sikat na designer.
Agaw-eksena naman si Heart Evangelista sa suot niyang modern all-white Filipiniana na gawa ni Mark Bumgarner. Bukod sa magandang damit nakapukaw din ng pansin ang bags at accessories ni Heart, ang 20cm Hermès Kelly Sellier bag in Beton Matte Alligator na umano’y nagkakahalaga ng USD89,500 o around PHP4,999,917.50.
Para naman sa SONA, bitbit naman ni Heart ang kanyang Bvlgari “Serpenti” cocktail clutch habang suot ang white agate metallic karung skin gown. Ang bag ay nagkakalaga ng USD3,450.00 o around PHP192,694.58.
Agaw-pansin din ang OOTD ni Sen. Imee Marcos na inspired mula sa mga kababayan nating magsasaka. Ang kasuotan ni Imee ay gawa ng Davao designer na si Edgar Buyan.
Gawa naman ang Filipiniana ni Sen. Risa Hontiveros sa Piña fabric habang ang black-and-white na kasuotan ni Sen. Grace Poe ay nilikha rin ng isang local designer. Mula naman sa isang Cebu-based designer ang suot na maroon at green na kasuotan ni Sen. Pia Cayetano.
Panalo rin ang OOTD ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte-Carpio, ang traditional Bagobo Tagabawa dress.
Ayon sa spokesman ni VP Sara na si Reynold Munsayac, hiniram lamang ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang damit mula kay Bae Sheirelle Antonio, ang deputy mayor ng Tagabawa tribe sa Davao City.
Elegante rin ang OOTD ni Senator Nancy Binay sa 2022 State of the Nation Address. Ito ang traditional Filipiniana terno na gawa rin ng local designer na si Randy Ortiz.
Panalo rin ang kasuotan ni Sylvia Sanchez na kasamang pumunta sa SONA ng kongresistang anak na si Arjo Atayde gayundin ang asawang si Art Atayde na kapwa naka-barong. Suot ni Sylvia ang classy at elegant in a modern Terno na ginamitan ng Yakan handwoven fabric mula Zamboanga. Gawa iyon ni Frankie de Leon.
Marami rin ang nabighani sa kasuotan ni Marga Nograles, asawa ni Karlo Nograles, Chairman ng Civil Service Commission. Isang Terno ang OOTD ni Marga na siya mismo ang nagdisenyo mula sa kanyang brand na Kaayo Mindanao. Gawa ito sa Inaul fabric na hinabi pa ng Maguindanao Tribe sa South Cotabato. Ipinakikita rin ng kasuotan ang hand-beaded details ngT’boli Tribe ng Lake Sebu, South Cotabato.