ARESTADO ang tatlong miyembro ng Krisostomo Criminal Group na sinabing responsable sa gun running activities sa Makati sa isinagawang buy bust operation ng pinagsanib puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Southern Police District (SPD) at District Mobile Force Battalion (DMFB) kasama ng Makati City Police, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni SPD Director, P/BGen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Joseph Palarca, 37, driver/bodyguard at residente ng Makati; Jethro dela Fuente , 32, driver/bodyguard,ng Quezon City; at Emmanuel San Jose, 32, Executive Assistance ng Pasig City.
Sa ulat, naaresto ang mga suspek dakong alas 10:30 am ng 16 Hulyo 2022, sa panulukan ng A. Venue Parking B. Valdez at Salamanca, Makati City.
Ikinasa ang buy bust operation laban sa mga suspek at swak sila sa paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms) nang magbenta ng isang M16-AI caliber 5.56mm rifle may Serial No. 4899784.
Nasamsam rin ang isang Bush Master Caliber 223-5.56mm rifle; tatlong magazine para sa M16-AI Caliber 5.56 rifle; 20 rounds ng live 5.56mm ammunition; tatlong magazine para sa Bushmaster Caliber 223-5.56mm rifle; 25 rounds ng live 5.56mm ammunition; isang Glock 22 Gen 4 caliber .40 Pistol; isang magazine para sa Glock 22 Gen 4; 10 rounds ng live caliber .40mm ammunition, isang P1000 dusted bill na kasama sa bulto ng boodle money, at tatlong sling bag at identification cards ng mga suspek.
Nasa kustodiya ng CIDG ang mga suspek para sa paghaharap ng pormal na reklamo.
“I would like to commend our personnel for the job well done in arresting the members of Krisostomo Criminal Group, this is the result of our intensified intelligence gathering measure here in Southern Metro, this must also serve as warning to those other, stop your illegal activities in our area or you will get caught and put behind bars,” pahayag ni Macaraeg. (GINA GARCIA)