MATABIL
ni John Fontanilla
ISA sa talaga namang pinag-uusapan ngayon sa mga national costume ng mga kandidata sa Binibining Pilipinas 2022 ay ang kandidata ng Agono Rizal, si Herlene Nicole “Hipon“ Budol.
Super pasabog naman talaga ang national costume nito na inspired sa Higantes Festival. Tatlong beses ang bigat ng costume ni Hipon na kanyang inirampa sa pagbubukas ng Binibining Pilipinas national costume exhibit noong Martes.
Ayon sa manager nitong si Wilbert Tolentino, ginastusan talaga nila nang husto ang costume ni Herlene na gawa ng fashion designer na si Patrick Isorena habang ang kapa ay ipininta ng Angono painter na si Ebok Sausa Pinpiño.
“Ang National costume niya (Herlene ) ay magtatatak sa kanya kasi isa siya sa pinaka-expensive na costume at siyempre kilala ang Angono na Art Capital of the Philippines,” ani Wilbert.
Bukod sa national costume ni Herlene ay naging usap-usapan din ang natcos na ginawa ni Paolo Ballesteros para kay Binibini no. 7 Graciella Lehman ng Oriental Mindoro.