TINATAYANG mahigit sa P2 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakompiska ng mga awtoridad nang tangkaing ipuslit papasok sa Maximum Security compound ng New Bilibid Prison (NBP), sa Muntinlupa City, nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg ang suspek na si Raquel Zuñiga, 33, residente sa Marasaga St., Tatalon, Quezon City.
Dakong 1:00 pm nitong 11 Hulyo 2022 sa frisking area ng mga bumibisita sa Maximum compound nadiskubre ang kontrabando.
Sa ulat, nadiskubre ng tauhan ng Inmate Visitation Service Unit – Bureau of Corrections (IVSU-BuCor) sa ginawang body searching sa suspek, ang dala niyang selyadong envelope na naglalaman ng tinatayang 35 gramo ng hinihinalang shabu, may DDB Standard Drug Price na P2,380,000.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang nabuking na dalaw. (GINA GARCIA)