WALA nang buhay nang matagpuan ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng kaniyang bahay na hinihinalang nagbaril sa sarili kahapon ng umaga sa Pateros.
Ayon sa ulat ng Pateros Municipal Police Station, ang nagpatiwakal ay kinilalang si P/Lt. Col. Junsay Orate, huling assignment bilang officer-in-charge (OIC) ng Administrative and Resource Management Division (ARMD) sa PNP-Special Action Force (SAF) ng No. 22-K M. Almeda St., Barangay Sto. Silangan, Pateros, Metro Manila,
May dalawang tama ng bala sa ulo at katawan si Orate sa loob ng kaniyang kuwarto, dakong 8:50 am ng 10 Hulyo taong kasalukuyan.
Sa inisyal na ulat, habang naglilinis ang kasambahay ni Orate nakarinig ng dalawang beses na putok ng baril at agad inalam kung saan nagmula.
Tiningnan niya at pinasok ang silid ng amo at dito nakita niyang nakahandusay sa sahig ang duguang biktima.
Natanggap ng Pateros Police ang tawag mula 10:00 am, may dinalang pulis may sugat sa ulo at katawan sa ACE Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ni Dr. Vadasseri Christopher Sheldon.
Nagsagawa ng technical investigation ang SPD SOCO at dinala sa crime laboratory ang service firearm ni Orate upang isailalim sa ballistics examination.
Humingi ng consent sa pamilya Orate ang imbestigador na si P/CMSgt. Ricky Ramos para sa pagsasailalim sa paraffin test sa bangkay at maging sa mga miyembro ng pamilya.
Inaalam ng pulisya kung bakit may dalawang tama ng bala ang biktima para matukoy kung ang kaso ay pagpapatiwakal o hindi.
Si Orate ay dating naging hepe ng Sta. Rosa Laguna Police. (GINA GARCIA)