NAKOMPLETO na ngayong taon ang kabuuang proyekto sa flood control ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na una nang binanggit ng Commission on Audit (COA) na naantala noong 2021.
Ipinaliwanag ni Engineer Baltazar Melgar, pinuno ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO), at kasalukuyang officer-in-charge ng MMDA, ang naka-programang 59 flood control projects sa Metro Manila para sa 2021 ay hindi natapos dahil sa pandemya at iba pang kadahilanan.
Aniya naantala, ang procurement process dahil sa pandemyang CoVid-19; late o nakabinbing pagpapalabas ng mga clearance mula sa local government units at iba pang kinauukulang tanggapan ng gobyerno; mga isyu sa right-of-way; relokasyon ng mga pamilyang informal settler; pagbabago sa pagkakasunud-sunod dahil sa karagdagang mga item/realignment ng mga aktibidad ayon sa kasalukuyang sitwasyon/kondisyon sa site sa pagpapatupad; at mga paghihigpit sa mobility ng manggagawa at kagamitan na dala ng pandemya.
“Projects are only minor ones like pipe-laying, drainage and riverbank improvements, and rehabilitation of waterways leading to agency-operated pumping stations,” anang opisyal.
Tiniyak ni Melgar, ‘operational and serviceable’ na ngayong taon na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon.
Ngayong tag-ulan, ang lahat ng 77 pumping stations sa Metro Manila ay gumagana sa full capacity, aniya.
Gayondin, ang flood-mitigation activities para sa declogging at paglilinis ng daluyan ng tubig tulad ng mga estero at sapa sa buong taon. (GINA GARCIA)