ISANG linggo bago bumaba sa puwesto, nagtalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong officers-in-charge sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kinompirma ni acting Presidential Spokesman at Communications Secretary Martin Andanar ang paghirang kay David Erro bilang officer-in-charge ng DAR at Joselin Marcus Fragada bilang officer-in-charge ng DENR.
Pinalitan ni Erro si acting DAR acting secretary Bernie Cruz habang si Fragada ang humalili kay acting environment secretary Jim Sampulna.
Sa pagsisimula ng administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr., sa 30 Hunyo 2022 ay papalitan na si Erro ni Conrado Estrella bilang DAR secretary.
Sa isang memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, nakasaad sa appointment ni Fragada bilang OIC ng DENR, kabilang sa mga responsibilidad niya ang i-regulate ang paggamit at exploration sa forestry at mineral resources ng bansa, mag-isyu ng licenses at permits para magamit sa aquatic resources.
Walang paliwanag ang Palasyo sa pagtalaga ng midnight appointees ni Pangulong Duterte. (ROSE NOVENARIO)