USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
ANG pagpapahayag ng kalayaa’y tanda ng pagbawi sa sariling kaakohan (national identity) mula sa isang mapanakop na kapangyarihan. Gayon man hindi lahat ng pagpapahayag ng kalayaan ay nauuwi sa tunay na paglaya. Mayroong huwad o hilaw na pahayag.
Nitong nakaraang 12 Hunyo, ginugunita ng pamahalaan ang ika-124 taong deklarasyon ng Artaw ng Kalayaan o Independence Day ng Diktador na si Emiliio Aguinaldo. Pero may mga nagtatanong kung ang Independence Day nga ba natin ang tunay ba na araw ng paglaya o ito ay araw ng kataksilan laban sa bayan? Ito ang tanong na dapat sagutin nating lahat.
Mula 4 Hulyo ay ginawang 12 Hunyo ni dating Pangulong Diosdado Macapagal, isang neoliberal, ang paggunita sa Independence Day para makuha ng kanyang administrasyon ang suporta ng mga makabayang puwersa. Kakatwang ginawa niya ito matapos niyang buksan ang ating ekonomiya sa mga dayuhan at gibain ang mga makabayang patakaran o nationalist economics ng kanyang pinalitang pangulo na si Carlos P. Garcia.
Pansinin na bago naging Independence Day, ang 12 Hunyo, ito ay kinikilala na bilang Pambansang Araw ng Watawat dahil sa petsang ito umano noong 1898 ay unang iwinagayway ang kasalukuyang bandila sa tahanan ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite.
Pero ayon sa tala ng kasaysayan, una talagang iwinagayway ang ating kasalukuyang bandera noong 28 Mayo 1898 sa kasagsagan ng labanan ng mga rebolusyonaryong Filipino at kawal Kastila sa barrio Alapan, Imus, Cavite. Ito’y 15 araw bago mag-12 Hunyo.
Bukod dito, talagang mali na kilalanin ang 12 Hunyo ni Aguinaldo bilang tunay ng Independence Day sapagkat noong Agosto 1896 pa, sa pangunguna ni Supremong Andres Bonifacio at ng mga kasapi ng Kagalanggalangan Kataastaasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK-AnB), naipahayag na nila ang kalayaan ng bayan.
Ayon sa mga tala’t saksi, mula 23-26 Agosto 1896 ay idineklara ni Bonifacio at mga kasama ang kalayaan at ang pagsisimula nang himagsikan laban sa mga Kastila. Pinunit nila ang kanilang mga cedula at nagdaos ng mga makabayang pagpapahayag sa mga barrio ng Pugad Lawin, Kangkong, Bahay Toro at Pasong Tamo sa Kalookan (ngayo’y mga barangay na ito ng Lungsod Quezon).
Hindi gaya ng pahayag ni Aguinaldo na oxymoronico o kinakitaan ng magkakasalungat na elemento, malinaw na deklarasyon ng kalayaan ni Bonifacio.
Nagdedeklara ng ‘kalayaan’ si Aguinaldo pero idinedeklara rin niya na ang Filipinas ay isang protectorate ng United States. Bilang US protectorate lumalabas na ibig ni Aguinaldo na ang Filipinas ay maging isa lamang teritoryo ng Amerika na may awtonomiya tulad ng Puerto Rico o Guam at hindi isang malayang bansa.
Hindi pinansin ng pamahalaang Amerikano si Aguinaldo at tayo ay kanilang pataksil na dinigma. Ang digmaang Filipino-Amerikano ay tumagal mula 1899 hanggang 1907 at tinatayang 600,000 hanggang isang milyong Filipino ang nasawi sa loob ng panahong ito.
Sa loob ng 48 taon, isang teritoryo ng US ang Filipinas. Noong 4 Hulyo 1946 ay binigyan tayo ng kalayaan ng mga Amerikano matapos nilang matiyak na mananatili tayong neo-kolonyal, isang kalalagayan na tunay na ugat ng ating kahirapan ngayon.
Ngayon, sagutin natin ang tanong, ang 12 Hunyo ba ay araw ng kalayaan o kataksilan?