ISASARA nang isang buwan dahil sa isasagawang repair ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ang EDSA Timog flyover southbound.
Inabisohan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista kaugnay ng pagsasara ng EDSA Timog flyover southbound simula 6:00 am sa 25 Hunyo 2022.
Ang pagsasara ng naturang tulay ay upang bigyan daan ang isasagawang repair ng DPWH sa loob ng isang buwan kung saan nasa 30 metro slab ang ilalatag ng DPWH sa nasirang flyover.
Dahil dito pinapayohan ang mga motorista na humanap ng alternatibong ruta.
Dagdag ni Artes, maaaring gamitin ng EDSA Carousel bus at pribadong sasakyan ang service road at mga nakalistang alternatibong ruta.
Aniya, bago ang pagsasara, pinaiigting nila ang clearing operations sa Mabuhay lanes upang matiyak na ang mga alternatibong ruta ay madaraanan at walang obstruksiyon.
Tinatayang nasa 140,000 sasakyang dumaraan sa flyover araw-araw ang maaapektohan ng pagsasara ng EDSA Timog flyover. (GINA GARCIA)