NANAWAGAN ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na maging responsable at disiplinado sa pagtatapon ng basura dahil sa huli tayo rin ang mapeperhuwisyo.
Ang panawagan ng MMDA ay kasunod ng nangyaring pagbaha sa EDSA – Santolan flyover hanggang Main Avenue kahapon na nagdulot ng mabigat na trapiko.
Ayon sa ahensiya, regular at araw-araw ang ginagawang cleaning at declogging operations pero hindi nauubos ang mga basura na bumabara sa mga kanal dahil sa paulit-ulit na pagtatapon kung saan-saan.
Ayon sa MMDA, karamihan sa mga nakukuhang basura ay mga plastic bags, styrofoam, plastic cups, plastic bottles, at mga pinaglagyan ng pagkain na bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Aniya, dapat makiisa ang publiko sa kampanya ng ahensiya sa tamang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang mga pagbaha sa Metro Manila. (GINA GARCIA)