HATAWAN
ni Ed de Leon
DIVORCED na nga sina Tom Rodriguez at Carla Abellana. Maliwanag na dahil si Tom ang nasa US, siya ang nag-file ng petition for divorce. Pero hindi makagagawa ng ganoon kabilis na desisyon ang korte sa US kung wala ring dokumento na nagsasabing pumapayag si Carla na ipawalang bisa ang kanilang kasal.
Pero hindi sila sa US ikinasal. Nagpakasal sila sa Pilipinas, ang kaisa-isang bansa sa buong mundo, bukod sa Vatican na isa ring independent state, na hindi kumikilala sa divorce. Rito sa atin, ang mag-asawang gustong maghiwalay ay maaari lamang humingi ng legal separation, na nagpapahintulot sa kanilang mamuhay nang hiwalay, pero nananatili silang kasal kaya hindi maaaring mag-asawang muli.
Sa ilalim ng umiiral na family code, kinikilala na ang annulment, pero hindi gaya ng divorce, sa isang kaso ng annulment ay kailangang patunayan na ang kasal ay walang bisa sa simula’t simula. May isa pang problema, kasal sila sa simbahan, na bagama’t may sarili ring annulment process ay hindi kumikilala sa legal annulment lamang. Kaya kailangan nila ng annulment mula sa simbahan at sa estado.
Sinasabi sa ating mga batas, na ang divorce ay kikilalanin kung sila ay Muslim, o kung ang nakipag-diborsiyo ay isang foreign national na kinikilala ang divorce. Ok lang dahil si Tom ay American citizen din.
Pero nangangahulugan ba iyan na si Tom ay nakahanda ring magbayad ng “alimony” kay Carla? Kung sinasabi niyang siya ay na-scam at walang pera paano siya makapagbabayad ng alimony? Natural lang na ang isang kaso ng divorce ay may kasamang alimony.
Pero iyan ay mas mabuti sigurong pag-usapan na ng kanilang mga abogado.