ni ROSE NOVENARIO
HINDI pa natatanggap ng mayorya ng health workers sa private hospitals ang kanilang One COVID-19 Allowance kahit na-release na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P7.9 bilyon budget nito sa Department of Health (DOH).
“Actually, iyon ang ikinalulungkot din ng ating mga health care workers ano po. Lagi pong sinasabi ng Department of Health (DOH), “Okay, na-release na namin.” Sabi ng Department of Budget and Management (DBM), “Released na iyong P7.9 billion” – pero nasaan na po iyan ano?” sabi ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) president Dr. Jose Rene de Grano sa Laging Handa public briefing kahapon.
“Tinatanong namin iyong ibang private hospitals na miyembro, iyong iba po ay nakaka-receive ano, pero majority po ng aming mga private hospitals ay hanggang ngayon ay hindi pa rin nakaka-receive nitong OCA, iyong One COVID-19 Allowance,” dagdag niya.
Patuloy aniya ang pakikipag-usap ng mga pribadong ospital sa DOH at naisumite na rin nila ang lahat ng requirements sa kagawaran ngunit hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na OCA funds para ipamahagi sa kanilang health workers.
“We are just waiting kasi sabi nga po ng DBM ay na-release [na] noon pa. Parang out of the P7.9 billion supposedly eh parang P86 million pa lang po ang nari-release ng DOH,” sabi ni De Grano.
“Sana naman po hindi na tayo dumating sa point na makikiusap pa kami na ‘sige, i-release niyo na ‘yan’ kasi these are benefits po of our health workers at ito po ang pang-engganyo natin para mag-stay ang ating health workers,” anang PHAPi chief.