HATAWAN
ni Ed de Leon
FINALLY, naideklara na ring national artist si Nora Aunor matapos siyang dalawang ulit na ma-reject ng dalawang presidente, si dating presidente Noynoy Aquino at Presidente Rodrigo Duterte, na ngayon naman ay nag-approve sa kanya. Sa kasaysayan niyang national artists, si Nora lang ang na-reject, “not once but twice” pero nang malaunan ay ibinigay din sa kanya.
Iba namang kaso ang nangyari noon kina Carlo Caparas, Pitoy Moreno, Francisco Manosa, at Cecille Guidote Alvarez. Ang kaso ay umabot pa hanggang Korte Suprema dahil sa akusasyong idinagdag ng noon ay presidente Gloria Macapagal Arroyo ang kanilang pangalan kahit na hindi sila nominated ng joint committee ng CCP at NCCA. Binalewala ng Korte Suprema ang deklarasyon sa kanila at sinabing ang isang presidente ay may prerogative na magbawas, huwag ideklarang national artist ang isang nasa nominasyon, pero walang karapatang magdagdag kung sino ang gusto niya.
Pero ano nga ba ang nakukuha ng isang national artist na kagaya ni Nora?
Sa pagkakaloob ng award, may cash grant iyan na umaabot din yata ng P200,000. Tapos may pension support na P20K buwan-buwan. Kung ang isang national artist naman ay yumao, maibuburol siya at bibigyang parangal sa main theater ng CCP, at may karapatan din silang mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Pero kung iisipin mo, hindi rin sapat iyan para sa kabuhayan nila.
Kaya nga marami kang nakikitang national artists na nagtatrabaho pa kahit na senior na. Naalala nga namin ang national artist na si Levi Celerio noong araw, na nakikita naming tumutugtog pa ng kanyang violin sa isang restaurant sa Quezon City, “kasi nga hindi naman kasya iyong pension.”
Kaya nga tama ang panawagan ni Vilma Santos sa kanyang fans, na ngayong national artist na si Nora, kailangan din nilang suportahan. Hindi naman talaga mabubuhay ang isang national artist kung wala siyang makukuhang suporta ng publiko.