POSIBLENG mapawalang bisa ang ipinataw na parusang “persona non-grata” kina Ai Ai delas Alas at VinCentiments director Darryl Yap kung maglalabas sila ng sincere public apology, ito ang iginiit kahapon ni QC District IV Councilor Ivy Lagman.
Martes, June 7 nang inaprubahan ang inihaing resolusyon ni Lagman na nagdedeklara ng persona non-grata sa dalawa. Ito ay dahil sa inilabas na campaign video na idinirehe ni Darryl noong Abril na si Ai Ai ang bida at gumanap na Mayor Ligaya Delmonte. Nasa video ang triangular seal ng Quezon City at para kay Konsi Ivy ay “kabastusan” ang ginawa rito.
“We just want an apology. And ‘pag sincere naman ‘yung public apology siguro the next city council can lift that,” ani Lagman. “Kung mag-apologize sila, sincere apology in public, eh baka po ma-lift ng city council ‘yung status ng persona non grata.”
Nilinaw naman ni Lagman na bagamat napatawan ng “persona non-grata” sina Ai Ai at Darryl, maaari pa rin silang makapunta at makapasok sa Quezon City.
“It’s just a sentiment of the city council. Nobody is stopping her to go to Quezon City. Ito po ay parang symbolic lang po ito, na ayaw po namin ng ginawa ninyo. So parang, it’s officially ide-declare ka naming persona non-grata, you are an unwelcome person. But still, pwede pa naman siyang pumunta.
“Hindi naman po tayo maglalagay ng parang patrol na magche-check kung sino ‘yung mga hindi pwedeng pumunta ng Quezon City. This does not curtail your freedom to travel and that’s mandated by the Constitution,” pahayag pa ni Lagman.
Samantala, habang isinusulat ito’y wala pa ring pahayag o reaksiyon sina Ai Ai at direk Darryl.