MATABIL
ni John Fontanilla
EXCITED si RS Francisco sa pagbabalik-hosting sa telebisyon via Love or Lie at First Sight, kauna-unahang BL reality show na mapapanood sa AQ Prime Stream.
Makakasama ni RS bilang ditectors sa BL reality show si Rob Sy, ang singer/ businesswoman, aktres na si Sazchna Laparan, at ang PBB ex-housemate at athlete Michael Ver, idinirehe ito ni Afi Africa at hatid ng Frontrow Entertainment sa
pakikipagtulungan ng AQ Prime.
Sa grand launch ng AQ Prime noong June 4 na ginanap sa Conrad Hotel, naikinuwento ni RS ang tungkol sa kanilang show, “Ang ‘Love or Lie at First Sight’ ay isang BL reality show na magkakaroon ng isang lalaking finder at 50 lalaki na ‘di natin alam kung ang habol sa finder ay pera o puso.
“Kaya naman nandoon sina Sazchna, Michael, at Rob, sila ‘yung tinatatawag na Ditectors. Silang tatlo ang mahihirapan mangilatis sa kung sino sa kanila ang habol lang ay pera o para sa puso.”
Sa ngayon, naghahanap pa sila ng mga kalalakihang handnag sumali sa kanilang BL reality show na bubuo sa 50 kalalakihan. “Ngayon naghahanap kami, mayroon na kaming napili pero hindi umabot ng 50, ‘di aalis ang bangka hangga`t hindi umaabot ng 50.
“Para makasali punta kayo sa Facebook page ng AQ Prime nandoon po ‘yung requirements para sa mga mag-a-audition. Dapat 18 to 30 years old, male, kahit sino puwede, pogi o hindi, maganda katawan o hindi, straight o hindi it doesn’t matter, basta gustong lumaro ng pinakamalaking laro ng pag-ibig sa online ito ‘yun,” sabi pa ni RS.
Bukod sa paghahanap ng 50 guys, hinahanap pa ni RS at ng kanyang team sa kung sino ang deserving na magiging finder at paglalaban-labanan ng 50 kalalakihan. At ang magwawagi ay makakapag-uuwi ng isang milyon worth of prizes at movie contract.
Sa kabilang banda, saludo at thankful si RS sa pamunuan ng AQ Prime.
“Noong narinig ko na may AQ Prime na agresibo na talagang gustong tumulong, gustong magbigay ng negosyo and all that, sabi ko perfect. Noong nag-meeting kami, sinabi ko ako nandito ako not as a producer, nandito ako as an actor.
“Salamat at nagbibigay ka ng negosyo, ng trabaho, hindi lang sa mga artista kung hindi sa daan-daang tao na nasa likod ng camera, mga director, producer, staff na natengga for almost 2 years. Pero ngayon makikita mo buhay na buhay ang industriya ng pelikulang Filipino.
“Ako talaga excited ako, kaya nga noong sinabi nila yung pakay nila, sabi ko ganoon din ang pakay ng Frontrow, ang tumulong sa maraming tao, mag-reach out.”
Ayon pa kay RS perfect partnership ang AQ Prime at Frontrow dahil pareho silang gustong tumulong sa industriya at makapagbigay trabaho sa artista at mga tao sa likod ng camera.