IPINAG-UTOS ni National Capital Regional Police Office (NCRPO), Regional Director, P/MGen. Felipe Natividad ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad at police visibility sa paligid ng Metro Manila.
Kasunod ito ng dalawang insidente ng pambobomba sa South Cotabato at Sultan Kudarat noong nakaraang linggo.
Ayon kay Natividad, isinasaalang-alang na maging isa sa mga target ng pag-atake ng mga terorista at pambobomba ang Metro Manila dahil isa ito sa pinakaabala at mataong lugar sa bansa.
Binatikos ni NCRPO Chief ang ganitong uri ng tahasang pagwawalang-bahala sa buhay ng tao, at sa kapayapaan at kaayusan.
Gayonman, tiniyak ni Natividad ang seguridad at kaligtasan ng mga komunidad sa Metro Manila at wala umanong katulad na pagbabanta o insidente ang mangyayari sa kamaynilaan.
Hinihikayat ng NCRPO ang publiko na maging alerto at mapagmatyag sa mga taong kahina-hinala ang kilos sa kanilang lugar at agad i-report sa NCRPO Text Hotline Numbers: 0999-901-8181. (GINA GARCIA)