KINOMPIRMA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na operational at nasa maayos na working conditions ang lahat ng pumping stations.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, pinaghandaan ng ahensiya ang panahon ng tag-ulan, kasama ang mga pumping stations na nakatulong sa pagpigil ng matinding pagbaha sa Metro Manila.
Sinabi ni Artes, mababa ang elevation ng Metro Manila kaya kapag high tide at malakas ang ulan, kailangan i-pump-out ang tubig mula sa ulan papuntang Pasig River o sa Manila Bay para makontrol ang pagbaha sa kamaynilaan.
Ang mga baradong estero at iba pang daluyan ng tubig ang isa sa mga itinuturong pangunahing sanhi ng pagbaha.
“Hindi dapat ginagawang basurahan
ang mga estero dahil hindi matatapos ang problema kung patuloy ang iresponsableng pagtatapon ng basura,” anang MMDA. (GINA GARCIA)