PINAG-IINGAT ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Milan ang mga Filipino laban sa mga illegal recruitment agency na nanghihikayat sa skilled workers at household service workers.
Napag-alaman ng POLO sa Milan, ilang indibidwal na recruiter at recruitment agencies ang patuloy na nanghihikayat sa mga manggagawang Filipino sa Romania na umalis sa kanilang kasalukuyang mga amo (sa pamamagitan ng mga post sa social media at mga advertisement at iba pang paraan ng komunikasyon) na may pangakong bibigyan sila ng mas magandang trabaho.
Ayon sa POLO, ang mga ganitong gawain ay maituturing na illegal recruitment at illegal poaching.
Pinaalalahanan ang mga manggagawang Filipino na tumakas sa kanilang mga amo o ‘sinira’ ang kanilang mga kontrata nang walang balidong dahilan ay maituturing na undocumented OFWs sa ilalim ng sistema ng POEA.
Maaapektohan nito ang kanilang kakayahang makakuha ng Overseas Employment Certificates (OECs) at bumalik sa kanilang trabaho kung sakaling umuwi sila ng Filipinas at ang kanilang kalipikasyon para sa deployment sa hinaharap. (GINA GARCIA)