DAPAT tumulong ang mga nanalo at natalong kandidato nitong nakaraang halalan sa paglilinis ng mga ipinaskil na paraphernalia, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nanawagan si MMDA Chairman Romando Artes sa mga kandidato, nanalo man o natalo, at sa kanilang mga tagasuporta, na tumulong para alisin ang mga paraphernalia na ikinabit sa mga poste, puno, at pampublikong impraestruktura.
Ang mga kawani ng MMDA ay nagtutulong-tulong sa pagtatanggal ng campaign materials at paglilinis ng kapaligiran kabilang ang mga eskuwelahan sa Metro Manila.
Ang mga makokolektang plastic at tarpaulins ay gagamiting materyales sa eco-bricks at eco-bags, at iba pa, dahil maaari itong bumara sa mga estero at kanal.
Ayon kay Artes, ang tunay na disiplina ay magmumula sa sarili at ngayong tapos na aniya ang halalan, hawakan ang mga walis at dustpan dahil oras na para maglinis.
Alisin ang mga nakasabit at nakadikit na mga election campaign materials at itapon sa tamang lagayan.
Huwag itapon kung saan-saan na magreresulta sa pagbabara sa mga daluyan ng tubig at lilikha ng polusyon.
Binigyan diin ni Artes, katulad ng pagbibigay ng suporta sa mga kandidato ay dapat din ipakita ang pagmamahal sa kalikasan. (GINA GARCIA)