HATAWAN
ni Ed de Leon
NGAYON, naniniwala na kayo sa amin na hindi epektibo sa kampanya iyang mga artista? Tama ka Tita Maricris sa observation mo ilang araw bago ang elections, tambak ang mga artista sa kampanya. Pero sinabi na nga namin sa iyo, wala iyan. Ang artista pinanonood para maka-entertain. Hindi maniniwala ang tao ano man ang gawin nilang arte na naiintindihan nila ang politika at ang tunay na kalagayan ng bansa. Nakasakay ang mga iyan sa air conditioned na sasakyan, may tv, may higaan sila sa loob. Hindi nila nararamdaman ang init ng araw na sumusunog sa karamihan ng ibang mga tao.
Pagdating niyan sa shooting, nasa isang air conditoned tent iyan. Basta humingi ng tubig bibigyan ng malamig na distilled water. Iyong maliit na artista, naghahanap ng puno na masisilungan, at kung humingi ng tubig, bibigyan ng tubig mula sa pitsel na hindi mo alam kung saang gripo kinuha ang laman.
Paano maniniwala ang mga tao na alam nila ang tunay na damdamin ng bayan?
Magbibigay kami ng example. Example lang naman ito. Noong nakaraang eleksiyon, ikinampanya nang todo ni Sharon Cuneta ang kapatid niyang si Chet na kumandidatong mayor ng Pasay. Ang tatay nila 50 taong mayor ng Pasay, minsan lang natalo. Bakit hindi nanalo si Chet eh ikinampanya siya ng megastar?
Ngayon todo kampanya na naman siya sa kanyang asawang si Kiko Pangilinan, hindi rin nanalo. Umangat dahil sa survey mas bagsak siya, pero sinasabi ngang ang nakatangay sa kanya kahit kaunti ay si VP Leni Robredo, na matindi rin ang pakiusap na iboto ang kanyang ka-tandem. Aba eh kung nanalo siya, at ang naging vice niya ay si Sara Duterte o si Tito Sotto, kawawa siya. Pero si Kiko parang nakatakda nang matalo.
Noted ba?
Kaya sinasabi namin hindi nakatutulong iyang mga artista. Kung kukuha ka ng artistang endorser, pag-aralan mo muna anag track record. Iyan ang basic marketing rule. Si Sharon simula nang magbalik, nakalimang pelikula na pero isa man doon ay hindi na naging hit gaya noong dati. Itinambal na siya kina Richard Gomez at Robin Padilla na parehong winners, pero walang nangyari. Hindi naman nasira ang vocal chords niya gaya ng nangyari kay Nora Aunor, pero matagal na rin siyang walang hit na kanta. Matagal na rin siyang walang tv show na may rating. Isinama siya sa Ang Probinsyano, lampaso pa rin iyon sa kalabang First Lady. Kung kami ang kandidato, hindi rin namin kukuning taga-kampanya si Sharon. Baka si Angeli Khang pa ang kunin namin.