ISANG 60-anyos negosyanteng Bangladeshi ang binaril sa ulo ng isang vendor na nagsabing inutusan siya kapalit ng P100,000, sa Pasay City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Pasay City Police Station commander, P/Col. Cesar Paday-os, ang biktimang si Hossain Anwar, Bangladesh national, may-ari ng DMD boutique na matatagpuan sa Taft Avenue, Pasay City.
Nahuli ang suspek na si Salik Ditual, 24, ng Don Carlos St., Pasay City.
Bandang 8:45 pm, nitong 5 Mayo sa Taft Avenue, Pasay City nang mangyari ang insidente.
Nakatayo ang biktima nang lapitan ni Ditual at paputukan sa ulo ng isang beses bago tumakas sa direksiyon ng Lions Road.
Isang saksi ang nag-ulat ng insidente sa Libertad Sub-Station, agad nagresponde sa crime scene at nagsugod sa biktima sa Adventist Medical Center.
Dakong 9:39 pm nang ideklarang patay ni Dr. Richard San Luis ang biktima.
Sa follow-up operation ng Pasay City Police Sub-station 3, nadakip ang suspek sa P. Celle St., Barangay 75, Pasay City.
Nakuha sa suspek ang isang 9mm kalibreng baril.
Sa inisyal na imbestigasyon, umamin ang suspek na isang ‘alyas Rajav’ ang nagbayad sa kaniya ng nasabing halaga para patayin ang dayuhang negosyante.
Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang motibo at matunton ang itinuturong nasa likod ng krimen.