SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI aatras sa laban ang magkapatid na sina Congressman Alfred Vargas at Konsehal PM Vargas kahit pinadalhan sila ng dalawang bala ng M-16 noong Lunes.
Ito ang tiniyak kapwa ng tumatakbong konsehal ngayon na si Alfred at si PM naman ay congressman ng 5th district ng Quezon City.
Ani Konsi PM, nakatanggap sila ng package noong Lunes sa kanilang opisina sa Novaliches. Nang buksan nila, naglalaman iyon ng dalawang bala – isa para sa kanya at isa ay para sa kanyang kuya Alfred.
“Kami po ay nababahala sa isang insidente na nagaganap sa amin. Kahapon, eksaktong 1:17 p.m., mayroong dumating sa district office, sa Novaliches District Center, isang pakete na naka-address sa akin. Ang laman ng pakete, dalawang bala ng M-16, isa para sa akin, isa para kay Kuya,” kuwento ni Konsi PM.
“Maliwanag na ang intensyon ng nagpadala ay takutin kami at ang aming pamilya. Sa mahigit isang dekada nating paglilingkod dito sa distrito, ngayon lang po ako nakatanggap ng death threat. Ngayon lang nagkaroon ng ganitong klaseng halalan – marumi, magulo, at mapanganib,” sabi pa ng nakababatang kapatid.
Pero tiniyak ng magkapatid na hindi sila matitinag sa nangyari at tuloy pa rin sila sa kanilang inumpisahan, ang tumulong.
Ibinunyag naman ni Cong Alfred na apat na beses na silang hinihikayat na umatras sa laban na daan-daang milyong piso ang naging alok sa kanilang magkapatid.
“Hindi tayo magpapatinag kahit anong pananakot pa ang gawin nila sa atin,” giit ni Cong. Alfred.
“Ngayon ay nahaharap kami sa ganitong klase ng death threat na itinaon pa sa dulo ng kampanya. Nananawagan kami sa aming pamilya, mga kaibigan at supporters na samahan ninyo kaming maging vigilant sa lahat ng uri ng kasamaan, pananakot at pandaraya na ginagawa ng ating mga kalaban ngayong eleksiyon,” anang aktor.
Sa kabilang banda nanawagan ang magkapatid sa mga taga-district 5.
“Walang puwang sa District 5 ang mga nagsisiga-sigaang sindikato para makuha lang ang kanilang gusto. Habang papalapit na ang eleksyon, samahan n’yo po kaming protektahan ang ating boto. Tumayo po tayo sa likod ni PM. Let us all stand together to protect PM and District 5,” ani Cong. Alfred.