NAGSAMA-SAMA ang pinakamalalaking bituin ng bansa para iendoso ang pinakaakinang na bituin sa lahat ngayong eleksiyon — si Vice President Leni Robredo.
Pinangunahan nina Unkabogable Star Vice Ganda at Diamond Star Maricel Soriano ang paghikayat sa mga tao na iboto si Robredo bilang susunod na Pangulo sa darating na May 9 elections.
Surprise appearance at endorsement ang ginawa nina Vice Ganda at Maria sa “Araw Na10 ‘To! People’s Rally” sa Pasay City at ginanap noong mismong 57th birthday ni Robredo.
Halos isang milyong tao ang pumuno sa Macapagal Boulevard para ipakita ang kanilang suporta para kay Robredo.
Itinaas ni Vice Ganda ang kamay ni Robredo sa entablado.
Sinabi ni Vice Ganda, sa pagkakataon na ito, kailangan magkaisa ng mga tao hindi para ipanalo ang isang kandidato.
“Kailangan ay magtulungan ang lahat para sa tagumpay ng bawat Filipino, ng ating mga pamilya, at ng ating bansa,” ani Vice Ganda habang katabi si Robredo.
Dagdag ni Vice Ganda, ang kanyang regalo para sa madlang pipol ay ang kanyang boto para kay Leni Robredo. Ito ang unang pagkakataon na idineklara ng Unkabogable Star ang kanyang unkabogable boto para kay Robredo.
Sa unang pagkakataon, dumalo si Maricel Soriano sa isang people’s rally. Hinimok din niya ang mga tao na iboto si Robredo.
Ang award-winning actor na si John Arcilla naman ay nagbigay ng isang makabagbag-damdaming talumpati, na nag-viral at mapapanood na sa YouTube, Facebook, at Tiktok.
Tila si Heneral Luna, ang role na kinilala ng madla si Arcilla, ang nagtatalumpati nang inendoso ng aktor si Robredo. Marami ang naantig sa kanyang mga sinabi, marami pa ang napaluha.
“Corrupt o tapat? Kurakot o lingkod? Umiiwas o humaharap? Sumusugod o umaatras? Masipag o tamad? Trapo o tropa? Bayan pumili ka!” sabi ni Arcilla.
“Hindi natin sinasamba si Leni Robredo. Siya po ay aming sinasamahan sapagkat sinasamahan niya ang sambayanang Filipino,” dagdag ni Arcilla. “Hindi po namin sinasanto o sinasanta si Leni Robredo. Siya po ay aming sinisinta dahil iniibig niya ang ating bayan.”
Sinabi ni Arcilla, inipili niya si Robredo bilang susunod na Pangulo ng bansa “dahil sa kaniyang mga ginawa, sa kaniyang mga nagawa, at sa kaniyang mga gagawin pa.”
“Siya lamang po ang nakita kong kandidato na pumupunta sa lahat ng malalayong lugar na hindi pa napupuntahan ng sinomang opisyal at natutulungan niya ang mga kababayan nating mahihirap. Natutulungan niya ang mga nasasalanta sa lahat ng bahagi ng Filipinas na hindi niya binabawasan ang kaban ng bayan,” ani Arcilla. “Sino pa ang gumawa noon? Siya lamang po ang kilala ko.”
Dumating din sa Pasay rally sina Megastar Sharon Cuneta, asawa ni vice presidential candidate Senator Francis “Kiko” Pangilinan, mag-amang si Gary at Gab Valenciano, Angel Locsin, ang mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez-Alcasid, Noel Cabangon, Janno Gibbs, Nikki Valdez, Andrea Brillantes, Jim Paredes, at Buboy Garovillo ng APO Hiking Society, Ben&Ben, Rivermaya, Mimiyuuuh, magkakapatid na sina Sab, Arkin, at Elmo Magalona, beauty queens Kylie Verzosa at Beatrice Gomez, Julia Barretto, bandang Cheats, Jona, Bianca Gonzales, Jolina Magdangal, Cherry Pie Picache, Ogie Diaz, Bayang Barrios, Juan Karlos, Rivermaya, Kerwin King, Mela Habijan, Imago, Ebe Dancel, Rei Germar, Nyoy Volante, Ateneo Chamber Singers, at Bukas Palad Ministry.
Nagbigay din ng kani-kanilang video message sina Kathryn Bernardo, Donny Pangilinan, Liza Soberano, at Daniel Padilla. (HNT)