SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SOBRA ang saya nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla dahil ang kanilang upcoming series na 2 Good 2 Be True ay ipalalabas sa Netflix. Nagkasundo ang ABS-CBN at Netflix na magkaroon ng groundbreaking simulcast ng serye na magkakaroon sila ng exclusive 72 hour window sa global streaming platform bago ito maipalabas sa free at pay television.
Sa interbyu sa KathNiel ng ABS-CBN News, sinabi ng dalawa na nagulat sila sa ibinalita sa kanila.
“Noong tumawag si Tita Cory (Vidanes), sabi lang niya, ‘Kath, can I call? Because I want na sa amin mo unang marinig.’ Hindi ko naman in-expect na ‘yun ang sasabihin niya kaya super na-excite kami lalo,” ani Kathryn.
“Mas film style na ‘yung show. Hindi lang siya basta. Dati, ‘yung mga serye kasi natin ‘pick pack’ lang — usap, dalawang camera, dalawang kinukuhanan tapos next sequence na tayo,” pagmalaki ni Daniel.
“Ngayon, para tayong pelikula. May three shots para sa isang eksena na iba-iba ‘yung anggulo. Mas film ‘yung feel nito. Film talaga ‘yung pagkuha nitong serye ngayon. It’s much better. Sakto siya sa Netflix dahil siyempre kailangan nating lumebel sa kanila roon,” sambit pa ng aktor.
Ani Kathryn,m nakatulong ang hindi nila pagmamadali sa shooting para lalong mapaganda ang serye.
“Ito mas healthy and alam namin na kapag may eksena, hindi masyadong mamamadali and happy kami sa kakalabasan. I think important naman talaga to give quality projects, more importantly na nandito na sa Netflix. Ayaw naman natin din magpahuli and we want to keep improving ‘yung ABS, ‘yung quality ng mabibigay nating projects,” anang aktres.
Ang 2 Good 2 Be True ang unang romantic-comedy teleserye ng KathNiel after eight years. Ang huli nilang ginawa ay ang Got To Believe noong 2013.
Makakasama ng KathNiel sa 2 Good 2 Be True sina Ronaldo Valdez, Gloria Diaz, and Irma Adlawan, along with Gelli de Belen, Romnick Sarmenta, Cris Villanueva, at Smokey Manaloto. Mapapanood din dito sina Matt Evans, Jenny Miller, Yves Flores, at Pamu Pamorada
Mapapanood ang 2 Good 2 Be True sa May 13 sa Netflix, at sa May 16 sa free TV.